Nagpapatuloy ang isinasagawang rescue Operations ng Eastern Mindanao Command para sa nalalabing 44 na empleyado ng APEX Mining na na-trap sa landslide na naganap kamakalawa sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Exec. Dir. Usec. Ariel Nepomuceno, nagtutulong-tulong ang mga kinauukulang ahensya upang marekober ang mga biktima alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ngayon ani Nepomuceno, 19 ang sugatan kung saan tatlong indibidwal ang napaulat na nasa kritikal na kondisyon.
Nasa 430 pamilya o katumbas ng 1,590 indibidwal mula sa 3 Brgy. sa Maco, Davao de Oro ang apektado ng landslide kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga ito sa 5 evacuation centers.
Nakapagtala rin ng 62 na totally damaged na mga kabahayan.
Samantala, nakapagbigay na ang pamahalaan ng inisyal na P190M na tulong sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa inisyal na impormasyon, umakyat na sa pitong ang sinasabing nasawi dahil sa nasabing landslide.