Kinumpirma ng Pasay City General Hospital (PCGH) sa pamamagitan ng Pasay City Public Information Office na 44 na health workers ng naturang pagamutan ay naka-isolate na dahil sa COVID-19.
Ayon kay Pasay City General Hospital OIC Dr. John Victor De Gracia sa 44 na apektado dito ang ilan ay pawang mga nurses at ancillary personnel na infected ng virus, ang ilan naman nakasalamuha ang mga nagpositibo at nag-aantay ng kanilang swab test results.
Paliwanag ni De Gracia, full capacity narin ang COVID confirmed ICU beds, wards beds, ER isolation rooms at ER anteroom ng PCGH.
Dagdag pa nito, hindi na muna tatanggap ang naturang pagamutan ng mga severe at critical COVID-19 patients.
Itinigil na rin ng hospital ang pagtanggap ng non-COVID cases dahil sa kakulangan ng manpower matapos ang pag-isolate ng 44 na healthcare workers.
Tanging extreme emergency at life threatening surgical procedures ang maaring tanggapin ng Pasay City General Hospital.
Giit pa ni Dr. De Gracia, ang mga out patient naman ay gagawin na lamang ang kunsultasyon sa pamamagitan ng telemedicine at walang bakunahan sa naturang hospital ng 10 araw.
Humihingi ng pang-unawa ang PCGH sa publiko at tinitiyak na ang mga kasalukuyang pasyente ng hospital ay tinututukang maigi ng mga natitirang mga personnel ng pagamutan.