44 NA UNIFORMED PERSONNEL SA TOG 2, BUMOTO SA ILALIM NG LOCAL ABSENTEE VOTING

Cauayan City, Isabela- Nasa apatnapu’t apat na uniformed personnel ang bumoto sa pag-arangkada ng 3-day Local Absentee voting ngayong araw.

Ang apatnaput apat na bumoto ngayong araw ay mga kasapi ng Tactical Operations Group o TOG 2 ng Philippine Airforce at mayroon din mga sundalo mula sa Philippine Army.

Naging maayos naman ang pagsisimula ng pagboto ng mga sundalo na kung saan tanging Presidente, Bise Presidente, mga senador at Partylist lamang ang kanilang pwedeng iboto.

Ayon kay Ginoong Manny Aggabao, Election Officer III ng COMELEC Cauayan, ang mga nasagutang balota ng mga local absentee voters ay ilalagay sa sealed envelope bago ito ipadala sa main office ng COMELEC.

Sinabi pa ng opisyal na binibigyan pa rin ng pagkakataon ng COMELEC ang mga uniformed personnel at iba pang empleyado ng gobyerno na makaboto bago ang araw ng eleksyon dahil hindi aniya nila pwedeng iwanan ang kanilang duty sa mismong araw ng botohan o sa May 9.

Samantala, ang mga pulis na local absentee voters naman ay bumoto sa headquarters ng Isabela Police Provincial Office o IPPO sa Lungsod ng Ilagan.

Matatapos ang Local Absentee Voting sa araw ng Biyernes, April 29, 2022.

Facebook Comments