440 provincial bus, pinayagan ng LTFRB na makabiyahe sa bisperas ng Pasko

Binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang limang ruta para makabiyahe ang 440 Provincial Public Utility Buses (PUB) sa ilang probinsya simula ika-24 ng Disyembre 2020.

Sa Memorandum Circular ng LTFRB, kabilang sa mga ruta ay ang:

• Baguio City – Mariveles, Bataan
• Baguio City – Olongapo, Zambales
• North Luzon Expressway (NLEX) – Baguio City
• North Luzon Expressway (NLEX) – Laoag City, Ilocos Norte
• North Luzon Expressway (NLEX) – Pagudpud, Ilocos Norte


Pinapayagang bumiyahe ang mga roadworthy Public Utility Vehicles (PUVs) na may valid at existing Certificate of Public Convenience o Application for Extension of Validity, at kinakailangang nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy.

Bilang kapalit ng Special Permit (SP), mayroong QR CODE na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV.

Bukod sa QR Code, kailangan ding sumunod ang mga pick up at drop off terminals ng mga naturang bus sa health at safety protocols bago payagang mag-operate ng Local Government Units (LGUs).

Muling pinapaalala ng ahensya na walang ipatutupad na taas-pasahe sa mga naturang Provincial PUB.

Ipinaalala rin ng LTFRB na istriktong ipatupad ang “7 Commandments” sa lahat ng pampublikong transportasyon bilang pag-iingat sa COVID-19.

Facebook Comments