Arestado ang isang 45-anyos na lalaking inireklamo ng panghahalay sa 11 dalagita na nasa edad 7- hanggang 16-anyos sa Sampaloc, Manila.
Nahuli umano ang suspek na si Francisco Zorilla sa ikinasang operasyon ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) noong Lunes, pasado alas-10 ng gabi sa naturang lugar.
Makikipagkita sana ang suspek sa isa niyang biktima na lingid sa kanyang kaalaman ay nakapagsumbong na sa awtoridad.
Nakumpiska kay Zorilla ang isang granada, tatlong cellphone at sim card, maliit na flashlight, condom, petroleum jelly at dalawang bote ng alak.
Noong Enero 30 nang dumulog sa pulisya ang mga magulang ng 12 menor de edad na biktima umano ng pandurukot at panggagahasa ng suspek.
Isang 7-taon gulang, dalawang 10-anyos, pitong 12-anyos, isang 13-anyos at isang 16-anyos umano ang mga nabiktima ni Zorilla.
Nabatid na nakikipagkaibigan ang suspek sa mga menor de edad sa social media saka makikipagkita at “sisilawin sa pera, papakainin at dadalhin sa motel,” ayon sa SMaRt.
Nangyari ang pangmomolestiya sa magkakaibang okasyon mula noong 2019.
Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso na mariin niyang itinanggi.