45-anyos lalaki na 60 beses na nagpakasal, kinasuhan ng huling asawa

Arestado ang isang lalaki na 60 beses nang ikinasal matapos mameke ng mga dokumento at pagnakawan ang tatay ng huling naging asawa sa Bangladesh.

Gumamit si Abu Baker, 45-anyos, ng mga pekeng papeles sa ilalim ng pangalang Shaheen Alan para patunayan sa ika-60 asawa nitong si Rosy Khanum na siya ay hindi kasal o kaya ay balo, ayon sa Dhaka Tribune.

Nang ikasal noong Agosto, humingi si Baker ng dote sa tatay ni Khanum at nang hindi pagbigyan, ninakawan niya ito ng Tk80,000 (halos P50,000) saka umalis.


Isinumbong ni Khanum sa Purbadhala police ang asawa na dinakip noong Nob. 3.

Base sa ulat, nagpapakasal lamang si Baker o kilalang “Baker teacher” sa kanilang totoong lugar, para sa pera at kalaunan ay hihiwalayan din ang mga babae.

Hindi rin ginagamit ni Teacher Baker ang tunay na tirahan sa mga pekeng dokumento.

Ngunit napag-alaman na naninirahan siya kasama ang unang asawang si Sazeda Begum na pinakasalan niya noong 20-anyos pa lamang, dalawa pang ibang asawa, at pitong anak.

Ayon sa awtoridad, umamin si Baker na 60 beses na siyang nagpakasal.

Facebook Comments