Matagumpay na nailigtas ang 45 empleyado ng APEX Mining na una nang na-trap matapos matabunan ng landslide.
Ayon kay Col. Rosa Ma. Cristina Manuel, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) kaninang madaling araw, isinagawa ang rescue operation sa pangunguna ni Congressman Ruel Gonzaga na nagsisilbing Incident Post Commander.
Ani Manuel, sa kabuuang 86 empleyado ng minahan, 45 na ang nailigtas kung saan 3 indibidwal ang nasa kritikal na kondisyon at 42 ang nananatili sa evacuation area na hindi kayang mapuntahan ng mga sasakyan sa ngayon.
Aniya, nagpapatuloy ang rescue operations upang mahanap ang 41 isa pang empleyado.
Samantala, 86 na pamilya o katumbas ng 600 na indibidwal mula sa kalapit na barangay ang inilikas sa mas ligtas na lugar.
Sa ngayon, nananatiling unpassable ang mga kalsada patungo ng mining site at wala ring cellphone signal sa lugar.