Manila, Philippines -Pinaghuhuli ang apatnapu’t limang katao sa ikinasang One Time, Big Time operation ng Parañaque Police sa apat na barangay kagabi.
Ginalugad ng mga pulis ang mga barangay ng Baclaran, Tambo, Don Galo at Sto. Niño.
Walo sa mga naaresto ay nahuling gumagamit ng illegal na droga.
Isa sa kanila ang pedicab driver na si Eduardo Romero, 58yo, na aminadong isang taon nang gumagamit ng shabu para raw mawala ang antok.
Apat pa sa mga nahuli ang umaming gumagamit sila ng illegal na droga pampatanggal ng pagod.
Tatlo ang naaresto dahil may kinakaharap na kasong rape, alarm and scandal at pagnanakaw.
Tatlo naman ang naaktuhang nagsusugal ng cara y cruz, labing-limang lalaki ang walang damit pang-itaas at labing-anim ang umiinom ng alak sa kalsada.
May tatlumput apat na menor de edad ang dinala sa police station dahil lumabag sila sa curfew.
Matapos idokumento ng Parañaque Social Welfare Department ay pinayagan din silang makauwi nang sunduin ng mga magulang.
Labing-isang motorsiklo naman na walang kaukulang dokumento ang kinuha at aalamin kung carnap ba ang ilan sa mga ito.
Ayon kay Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Paranaque Police, ikinasa ang one time big time operation bilang paghahanda sa SONA base na rin sa direktiba ni NCRPO Director Oscar Albayalde.