45 miyembro ng Chinese kidnap for ransom group, arestado sa serye ng police operation; Singaporean kidnap-victim, na-rescue sa isang hotel sa Pasay

Manila, Philippines – Apatnapu’t limang mga miyembro ng Chinese kidnap for ransom group ang naaresto ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) sa serye ng operasyon.

Sa naturang operasyon sa Solaire Resort and Casino, natimbog ang mga dayuhan kabilang na ang Chinese national na lider ng grupo na si Zhang Fuxing,gayundin ang dalawa pang Malaysian nationals na miyembro nito na sina Ng Yu Meng at Goh Kok Keong.

Ang naturang grupo ay sangkot sa serye ng mga kidnapping for ransom sa Pilipinas kung saan ang mga target nila ay high roller casino players.


Bunga ng nasabing operasyon, na-rescue ang isang kidnap-victim na babaeng Singaporean national na si Wu Yan.

Ang Singaporean kidnap-victim ay itinago ng mga dayuhang kidnappers sa Rm 301 of Bayview International Towers sa Pasay City.

Positibo namang kinilala ng biktima ang naarestong tatlong miyembro ng Chinese kidnap for ransom group na kabilang sa dalawamput anim na foreign nationals na dumukot sa kanya.

Ayon sa Singaporean kidnap-victim, hiningian siya ng mga suspek ng 180-thousand US dollars kapalit ng kanyang kalayaan.

Agad namang nagsagawa ng follow up operation ang mga otoridad at pinalibutan ang mga suspek sa loob ng hotel kung saan nabigo ang mga ito na magpakita ng immigration document at tumatanggi rin silang magsabi ng kanilang mga pangalan.

Sa ikalawang follow up operation, karagdagang labing siyam na mga miyembro ng Chinese kidnap for ransom group ang naaresto.

Ang kabuuang apatnaput limang foreign nationals ay nakakulong ngayon sa Camp Crame, Quezon City.

Sila ay sasailalim ngayong umaga sa inquest proceedings ni DOJ State Prosecutor Richard Anthony Fadullon.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments