Kumbinsido ang 45% ng pamilyang Pilipino na mayroong estudyanteng naka-enroll sa kasalukuyang blended learning system ang nakamura sa gastos kumpara sa tradisyunal na face-to-face setup.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 19% ang nagsabing lubos na nabawasan ang kanilang gastos, habang 26% ang nagsabing bumaba ng bahagya ang kanilang gastos.
Lumalabas din sa survey na 37% ng pamilyang may naka-enroll na estudyanteng may edad lima hanggang 20-anyos ang nagsabing lumaki ang kanilang gastos.
Nasa 17% naman ang hindi matantya kung tumaas o bumaba ang kanilang gastos.
Sa Visayas naitala ang malaking porsyentong nagsabing nakamura sila sa blended learning na nasa 53% kasunod ang Mindanao (47%), Balance Luzon (43%) at Metro Manila (35%).
Sa Metro Manila naman ang may maraming nagsabing lumobo ang kanilang gastos dahil sa blended learning na nasa 52%, kasunod ang Balance Luzon (37%), Mindanao (37%) at Visayas (28%).
Ang survey ay isinagawa November 21 hanggang 25, 2020 sa 1,500 adult respondents sa buong bansa.