450,000 katao kada araw, target ng gobyerno na mabakunahan ng COVID-19 vaccine simula sa susunod na buwan

Aabot sa 450,000 katao kada araw ang target ng gobyerno na mabakunahan ng anti-COVID-19 vaccine sa susunod na buwan.

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, kasunod ng inoculation ng healthcare workers, isusunod naman nila ang mga indigent senior citizens.

Sinabi ni Duque na sa pagdating ng 900,000 COVID-19 vaccine ng AstraZeneca ngayong buwan at 1.4 million doses ng Sinovac sa Abril, posibleng mabakunahan na ang general public sa kalagitnaan ng Abril o unang linggo ng Mayo upang tuluyan nang mapuksa ang COVID-19 pagdating ng taong 2022.


Inaasahan na kasi ng pamahalaan na matatapos ngayong buwan ang inoculation ng 1.7 million healthworkers.

Sa ngayon ay nasa 215,997 medical frontliners na ang nabigyan ng unang doses ng COVID-19 vaccine.

Nabatid na target ng pamahalaan ang 50 hanggang 70 million katao o two-thirds ng 108 million adults na mabakunahan ngayong taon upang maabot ng bansa ang herd immunity.

Facebook Comments