Aabot pa sa 47 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang nasa storage facilities ng gobyerno.
Ayon kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 Adviser Dr. Ted Herbosa, hindi pa nagagamit ang mga bakunang ito dahil inuubos pa ang 60 milyong doses na itinurok sa bansa.
Nitong Sabado, aabot sa 860,000 doses ng Pfizer vaccine ang dumating sa Pilipinas para sumampa sa kabuuang 110,646,500 doses ng bakuna ang natanggap ng bansa.
As of November 6, kabuuan nang 63,733,776 doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa buong bansa na ibinatay sa National COVID-19 Vaccination Dashboard.
Sa bilang na ito, 34,402,150 doses naiturok bilang first dose habang 29,331,626 ang second dose.
Pinag-aaralan naman ng pamahalaan na isagawa ngayong Nobyembre ang tatlong araw na national immunization para mapabilis ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa bansa at maabot ang target na 1.5 milyong pagbabakuna kada araw.