Umakyat na sa 47 ang patay habang 49 ang nasagip matapos bumagsak ang C-130 aircraft ng Philippine Airforce sa Sulu, kahapon ng umaga.
Nabatid na nasa 96 na personnel ang sakay ng eroplano nang ito ay bumagsak.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major Gen. Edgard Arevalo, bukod sa 47 sundalong namatay ay nasa tatlong sibilyan din ang nasawi.
Idinala na sa mga pagamutan ang mga nasugatan partikular sa kanilang mga kampo at sa Zamboanga City.
Nagpapatuloy ang search, rescue at retrieval operation, pero sinabi ni Arevalo ay na-retrieve na ang lahat ng mga labi ng mga sundalo.
Sinabi ni Arevalo na mahirap ng makilala ang ilan sa mga nasawi dahil nasunog ang mga katawan nito pero tutulungan sila ng mga forensic experts.
Ang mga sundalong ipapadala sana sa Sulu ay dagdag na tropa sana sa 11th Infantry Division at karamihan sa mga kanila ay mga bagong graduate.
Una nang sinabi ng AFP na sumambay ang eroplano sa runway.
Pansamantala munang grounded ang iba pang C-130 habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagsasagawa ng full investigation sa nangyaring trahedya.