47,000 liters ng diesel na nakumpiska ng BOC, ibibigay sa PCG at AFP

Aprubado ng Department of Finance (DOF) ang planong pagdo-donate ng Bureau of Customs (BOC) ng kabuuang 47,000 litrong diesel fuel sa Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nakumpiska ng BOC ang mga unmarked diesel fuel na ito sa magkakahiwalay na field test operations sa Joycel Bus Lines sa Caloocan City, pasilidad ng Lemiz fuel station at Star Oil/Min Ley Gasoline Station sa Meycauayan Bulacan, Fuel Source gas station sa Cabanatuan, Nueva Ecija at isang retail gas station sa Arayat, Pampanga.

Ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez, nasabat ang diesel mula sa operasyong ikinasa ng Luzon Petromobil Integrated Service Stations Inc.


Ang mga ito ay unmarked diesel fuel na nangangahuluhang walang buwis na binayaran para sa mga ito.

Samantala, bilang pagtalima sa probisyon ng mutual assistance agreement sa AFP, magdo-donate din ang BOC ng 6,000 litro ng automotive diesel fuel sa mga sundalo.

Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang AFP ng manpower para tulungan ang BOC sa kanilang law enforcement activities at kapalit nito ay bibigyan ang AFP ng makukumpiskang langis o fuel na iligal na ipinapasok sa bansa.

Facebook Comments