48-ANYOS NA LALAKI, SUGATAN SA PANANAGA SA MAPANDAN

Sugatan ang isang 48-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng nakaalitang 57-anyos na lalaki sa naganap na pananaga sa Mapandan, Pangasinan bandang alas singko ng hapon nitong Disyembre 10.

Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek na kapwa residente ng barangay.

Sa gitna ng alitan, kumuha umano ang biktima ng bakal na tubo at hinampas ang ulo ng suspek.

Dahil dito, umuwi ang suspek sa kanilang bahay, kumuha ng bolo, at muling binalikan ang biktima, na tinamaan sa kanang paa.

Agad namang namagitan ang kanilang mga kamag-anak at dinala ang dalawa sa pagamutan sa Mapandan.

Inilipat pa ang biktima sa isang ospital sa Dagupan City para sa karagdagang gamutan.

Sa isinagawang pagresponde ng Mapandan MPS, narekober sa lugar ang mga ginamit na armas, ang bakal na tubo at bolo.

Naaresto ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Mapandan MPS para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments