48-hour lockdown sa Tondo District-1, natapos na; ilang mga pasaway, isinalang na sa inquest proceedings

Umabot sa 281 na mga pasaway ang nahuli sa ipinatupad na 48-hour hard lockdown sa Tondo District-1.

Matatandaan na sinimulan ang lockdown noong alas-5:00 ng umaga ng May 3 at natapos ito kaninang alas-5:00 ng umaga.

Ang nasabing bilang na naaresto ay dinala sa siyam na covered court na nagsilbing holding area kung saan dito na rin isinagawa ang inquest proceedings.


Maging ang mga palengke at talipapa na kinailangang isara ay binuksan na rin sa publiko.

Pero bago makapasok sa pamilihan, kailangang magpakita ng ID at quarantine pass habang pinapairal pa rin ang physical distancing.

Bagama’t natapos na ang lockdown sa nasabing lugar ay patuloy pa rin ang pag-iikot ng mga kapulisan sa lugar upang maipatupad naman ang iba pang ordinansa kaugnay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at sa Bayanihan To Heal as One.

Umaabot naman sa 1,451 ang nasuri sa COVID-19 mass testing at 109 sa kanila ay nagpositibo sa sakit.

Ang mga ito ay naisailalim na rin sa swab testing at isinumite sa Philippine General Hospital (PGH) at Chinese General Hospital.

Inaasahan naman na maglalabas ng report at assessment si MPD Chief Police Brigadier Gen. Rolly Miranda hinggil sa hard lockdown na ginawa sa Tondo District-1.

Facebook Comments