48 NA BARANGAY SA BAGGAO, CAGAYAN, PINAGKALOOBAN NG MGA BAGONG SASAKYAN

Cauayan City – Labis ang pasasalamat ng 48 barangay ng Baggao, Cagayan, matapos tumanggap ng mga brand new na multi-cab utility vehicles mula sa pamahalaang panlalawigan, sa ilalim ng programang “No Barangay Left Behind” (NBLB) ni Governor Manuel Mamba.

Sa mensahe ni Governor Mamba, pinaalalahanan niya ang mga opisyal ng barangay na gawing tapat at makatarungan ang kanilang pamumuno at magtakda ng mga lider na hindi lamang para sa pansariling interes kundi para sa ikabubuti ng kanilang nasasakupan at sa kinabukasan ng bayan.

Tiniyak din ni Gob. Mamba na lahat ng barangay sa buong probinsya ng Cagayan ay bibigyan ng katulad na mga sasakyan upang magamit sa kanilang mga gawain, lalo na sa paghahatid ng serbisyo sa mga Cagayano.


Ang mga bagong multi-cab utility vehicles ay pinondohan mula sa mahigit P672 milyon na hindi nagamit na pondo mula sa nakaraang taon.

Kasabay ng turnover ceremony ng mga sasakyan, ipinagpatuloy din ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mahigit 400 barangay sa probinsiya ng Cagayan, sa ilalim pa rin ng programang NBLB.

Sa araw na iyon, tumanggap ng tig-P326,158 ang 131 barangay na nakapag-liquidate na ng kanilang mga naunang pondo mula sa ibinabang suporta ng pamahalaang panlalawigan.

Facebook Comments