Cauayan City, Isabela- Umaabot sa apatnapu’t walo (48) teaching staff mula sa Eveland Christian College (ECC) sa San Mateo, Isabela ang nakatanggap ng P5,000 financial assistance bawat isa sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).
Sa liham na ipinadala ni Ginang Aida Agcaoili, Principal ng ECC, labis ang kanyang pasasalamat sa ahensya sa pagbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo na makatutulong sa kanilang pangangailangan ngayong panahon ng pandemya.
Sa kasalukuyan, ang Department of Labor and Employment Regional Office No. 02 (DOLE RO2) ay nakapagbigay na ng tulong pinansyal sa 63,923 beneficiaries na umabot sa kabuuang halaga na P319,615,000.00 sa ilalim ng CAMP 2.
Mas malaki ang bilang ng mga benepisyaryo ng CAMP 2 kumpara sa 22,000 beneficiaries na umabot sa halagang P110,000,000.00 sa ilalim naman ng CAMP 1.
Ayon naman kay DOLE Regional Director Joel M. Gonzales, handa umano ang ahensya anumang oras sa pagbibigay ng tulong sa higit na nangangailangan mula sa iba’t ibang programa at serbisyo ng ahensya.
Ang DOLE’s CAMP ay one-time assistance na ipinagkakaloob sa formal sector worker na siyang magpapagaan sa matinding epekto ng COVID-19 sa mga manggagawa, establisyimento at mga negosyo.