49 na barangay sa Cebu City, nakikitaan ng pagkukumpol ng kaso ng COVID-19 ayon sa DOH

Higit kalahati ng 80 barangay sa Cebu City ang nakakaranas ng clustering o pagkukumpol-kumpol ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa 49 na barangay ang nakitaan ng clustering o mayroong dalawa o higit pang kaso.

Ang mga datos ay bahagi ng inisyal na pagsisiyasat ng epidemiology team at National Task Force (NTF) Against COVID-19 na ipinadala sa siyudad na kasalukuyang nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Dagdag pa ni Vergeire, malapit na ring umabot sa critical level ang health system capacity ng siyudad.

Ang utilization rate ng intensive care unit beds ay nasa 55%, habang ang occupancy ng isolation beds ay nasa 84%, ward beds na nasa 64.9%, at mechanical ventilators na nasa 50%.

Nabatid na tinukoy ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang nasa 12 barangay sa Cebu City na COVID-19 hotspots na ilalagay sa mahigpit na lockdown.

Sa huling datos ng Cebu City Health Department, aabot na sa 4,702 ang kaso ng COVID-19 sa lungsod, 2,369 ang gumaling at 136 ang namatay.

Facebook Comments