4Ps beneficiaries, hinikayat na magparehistro na agad sa programa para sa diskwento sa singil sa kuryente

Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga mahihirap na kababayan na samantalahin ang ibinibigay na diskwento sa singil sa kuryente.

Nanawagan ang senador sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na magparehistro na sa lifeline electricity rate program ng pamahalaan para makakuha ng discount sa kanilang electricity bill.

Ayon kay Gatchalian, ito ay pamaskong handog para sa mga kababayan nating sadyang hirap sa buhay.


Maigi aniyang samantalahin ito ng ating mga kababayan lalo’t palalawigin pa ng gobyerno ang subsidiya sa kuryente pagsapit ng Enero 2024.

Pinatitiyak ng mambabatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE), at Energy Regulatory Commission (ERC) na mapupunta ang benepisyo sa mga karapat-dapat na households at pinasisiguro rin na ang proseso ng enrollment para sa pag-avail ng electricity bill discount ay mabilis at hindi mahirap gawin.

Hiniling din ni Gatchalian sa tripartite body na magsagawa ng mas pinaigting na information at dissemination campaign upang maabot ang mas marami pang benepisyaryo.

Facebook Comments