Nagsagawa ng Humanitarian and Disaster Relief (HADR) Operations ang iba’t ibang mga unit ng 4th Infantry Division, kasunod ng baha at landslide na naranasan sa CARAGA Region nitong Sabado dulot ng malakas na pag-ulan.
Ang mga residente na na-trap dahil sa mataas na baha sa Barangay Pongtud, Alegria, Surigao del Norte ay inilikas ng 30th Infantry Battalion.
Habang nagsagawa naman ng road clearing operations at evacuation ang 29th at 65th Infantry Battalion Quick Reaction Teams sa Poblacion, Santiago Highway, Agusan del Norte; Brgy. Tagmamarkay, Tubay, Agusan del Norte; Cabadbaran, Agusan del Norte; Brgy. Mahayahay, Sibagat, Agusan del Sur; at Brgy. De Oro, Butuan City.
Samantala, nailigtas din ng mga tropa ng 23rd Infantry Battalion ang mga residenteng binaha sa Brgy. Buhangin at Brgy. Mahay, Butuan City.
Tumulong din sa search and rescue at relief operations ang 75th Infantry Battalion at 3rd Special Forces Battalion sa mga binahang lugar sa bayan ng San Miguel at Lianga, sa Surigao del Sur.
Kasunod nito tiniyak ni 4ID Commander Major General Wilbur Mamawag ang kanilang buong suporta sa mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa paghahatid ng tulong sa mga apektado nating mga kababayan.