Manila, Philippines – Patuloy na minomonitor ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ang isla ng Calayan sa Cagayan na tinamaan ng magnitude 5.1 na lindol, pasado alas-sais kaninang umaga.
Sa interview ng RMN kay Cagayan PDRRMC head Bonifacio Cuarteros – sinabi nitong wala pa silang natatanggap na report ng mga pinsala o anumang pagguho ng lupa sa isla.
Pinawi naman ng PHIVOLCS ang pangamba ng publiko na magdudulot ng tsunami ang nasabing lindol.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, mahina lang ang pagyanig at hindi rin ito magdudulot ng anumang pinsala sa mga gusali.
Ang sentro ng lindol ay nakita 33 kilometro sa timog kanluran ng karagatan ng Calayan.
Naramdaman ang intensity 4 sa Calayan, intensity 3 sa Sanches Mira, Cagayan; habang intensity 2 sa Pasuquin, Ilocos Norte at intensity 2 sa Ilocos Sur.