Inirekomenda ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang 5% hanggang 6% na pagtaas sa panukalang 2021 national budget.
Ang proposal ni Salceda ay hindi hamak na mas mababa kumpara sa panukala ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na 10% hanggang 11% na pagtaas sa pambansang pondo ng susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Salceda sa isinagawang virtual-hearing ng House Defeat COVID-19 Committee na kakailanganing tapyasan ang mungkahi ng DBCC na 10% – 11% budget increase sa 2021 dahil inaasahan ang pagbaba ng kita bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Sinabi pa ng kongresista na inaasahan ng Department of Finance (DOF) ang mas mababang revenue collection ngayong taon dahil karamihan sa mga establisyimento at mga negosyo ay nagsara bilang pagsunod na rin sa enhanced community quarantine sa Luzon.
Malaking bahagi pa naman, aniya, ng gross domestic product ay mula sa nasabing rehiyon.
Mababatid na bago pa man pumutok ang COVID-19 noong Disyembre ay itinutulak na ng DBCC ang ₱4.6 Trillion na budget sa 2021, mas mataas ito ng ₱540 billion o 13.3% sa ₱4.1 trillion budget ngayong 2020.