Kinastigo ng Korte Suprema ang limang abogadong nangutya at ginawang katatawanan ang LGBTQIA+ community sa isang Facebook post.
Sa 26 na pahinang Per Curiam Decision, ni-reprimand ng Korte Suprema sina:
– Atty. Morgan Rosales Nicanor,
– Atty. Joseph Marion Peña Navarrete,
– Atty. Noel V. Antay, Jr., at
– Atty. Israel P. Calderon,
Habang pinatawan naman ng ₱25,000 na multa si Atty. Ernesto A. Tabujara III.
Ayon sa SC, nilabag ng limang abogado ang Rule 7.03 ng Code of Professional Responsibility na nagbabawal sa mga abogado na gumawa ng mga bagay na makakasira sa kanilang legal profession.
Ito ay kasunod ng pag-post ni Atty. Antay sa kanyang Facebook account hinggil sa napanalo niya na kaso at nakulong ang isang miyembro ng LGBTQIA+ dahil sa kasong large scale estafa.
Ikinuwento ni Antay na sa galit ng akusado ay tinawag siyang panatiko at pinagmumura kung kaya pinagsabihan ng umano’y binabaeng judge ang akusado.
Dito na nagsimulang magkomento ang iba pang mga nabanggit na abogado tungkol sa kasarian ng naturang judge.
Iginiit ng Korte Suprema na ang naturang Facebook posts ay puno ng gender bias, diskriminasyon at pang-iinsulto sa mga miyembro ng LGBTQIA+.
Hindi anila ito akma at maaaring makasuhan sa ilalim ng Safe Spaces Act.
Nagbabala naman ang Korte Suprema sa mga abugado na mas mabigat na parusa ang kakaharapin nila sa sandaling maulit ang pangyayari.