5-Anyos, Patay, Ama at 2 pa Sugatan sa Salpukan ng Kulong-Kulong at Motorsiklo!

*Cabarroguis, Quirino- *Agad na binawian ng buhay ang 5-anyos na batang lalaki matapos salpukin ng kasalubong na motorsiklo ang kanilang sinasakyang kulong-kulong na minamaneho ng kanyang ama sa bahagi ng kalsada sa P-5 Villamor, Cabarroguis, Quirino.

Pinaglalamayan na sa ngayon ang bangkay ng biktima na si John Rey Baday ng nasabing lugar.

Kinilala naman ang ama ng biktima na si John Reynon Baday kung saan nakasakay ang kanyang anak sa minamanehong kulong-kulong nang bigla umano silang salpukin ng isang motorsiklong Mio na walang plaka na minamaneho ni Jannel Awanan,17-anyos, estudyante at residente ng Barangay Aurora West, Diffun, Quirino kasama ang back rider nitong si Oliver John Abalos,17-anyos na residente ng P3 Villa Ventura, Aglipay, Quirino.


Una rito, nag-overtake si Awanan sa sinusundang traysikel hanggang sa nagpang-abot sila ng naturang kulong-kulong na sakay ng limang taong gulang na biktima.

Ang dalawang estudyante at ama ng biktima ay agad na dinala sa Quirino Provincial Medical Center sa naturang bayan para sa kanilang karampatang lunas matapos magtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan.

Facebook Comments