Sa ulat ng PNP Sta. Teresita, kinilala ang mga biktima na sina alyas na Marco, 6 anyos at alyas Maria, 5 anyos habang ang kanilang lola na isang retired principal at negosyante ay kinilala naman sa alyas na Edna.
Sa naging panayam ng CPIO sa pulisya, lumalabas sa imbestigasyon na matapos umanong patulugin ni Edna ang kanyang mga apo ay nagtungo siya sa kanilang pintuan at bintana upang siguraduhin na naka-lock na ito at pagbalik niya sa kinaroroonan ng kanyang mga apo ay napansin niya ang isang lalaki na may hawak na kutsilyo.
Dahil dito ay nakipagbuno ang biktima sa suspek, subalit pinagsasaksak siya sa kanyang katawan at itinali gamit ang isang chord at tela.
Hindi pa nakuntento ang suspek dahil pati ang dalawang bata ay walang awang pinagsasaksak at kalauna’y tinangay ng suspek ang pera at alahas ng biktima matapos ang ginawang krimen.
Umagaw naman ng pansin sa kapitbahay ang pagsigaw ng matanda kaya’t agad itong nakahingi ng tulong sa pulisya.
Samantala, sa isinagawang hot pursuit operation ay kaagad na nadakip ang suspek na kinilalang si Jerry Maba Genova, tubong Calayan at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Villa, Sta. Teresita, malapit sa kinaroroonan ng mga biktima.
Ginagamot ang biktima matapos mabaril ng pulis matapos manlaban at ang tangkang pagtakas.
Nabatid ng pulisya na may problema umano sa pera ang live-in partner ng suspek na siyang nakikitang motibo sa panloloob sa bahay ng mga biktima.
Sinampahan na ng kasong Robbery with Homicide in relation to RA 7610 at Frustrated Murder; Direct Assault; Resistance at Disobedience upon Person in Authority or Agent of Person in Authority sa suspek.