Inihayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na nagsimula na ngayong araw ang pamamahagi ng Supplemental Social Amelioration Program sa Pasig City.
Ayon kay Mayor Sotto makakakuha ng ayuda ang mga residente ng Pasig na bigong makakuha ng suporta mula sa SAP na ipinamamahagi naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paliwanag ng alkalde, patapos na aniya ang pamamahagi ng ayuda mula sa DSWD kung saan 93,000 lamang mula sa 250,000 na residente ang nabigyan ng ayuda.
Dagdag pa ng alkalde, magsisimula sa limang mga maliliit na barangay ang pamamahagi ng kanilang Supplemental SAP partikular na sa Brgy. Malinao, San Antonio, Sagad, Sta. Rosa at Buting.
Inilatag din ni Sotto ang magiging proseso sa pamamahagi ng Supplemental SAP na babase naman sa kanilang listahan nang mamahagi sila ng Pamaskong Handog sa mga residente.
Una munang daraan ang mga pulis at iba pang mga law enforcer upang tingnan ang sitwasyon sa pamamahaginang barangay, susunod naman ang pamamahagi ng form bago magtungo ang mag-aabot ng ayuda.
Mahigit isang bilyong piso ang ilalabas ng Treasurer’s Office ng Pasig para sa Supplemental SAP kung saan, makatatanggap ang bawat pamilya ng tig- ₱8,000.
Kaya naman mahigpit ang pakiusap ng alkalde sa mga residente na manatili lang sa bahay para maabutan ng tulong mula sa Lokal na Pamahalaan.