Cauayan City, Isabela- Muling nakapagtala ng kaso ng African Swine Fever (ASF) ang limang (5) bayan sa rehiyon dos.
Ito ang kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) region 2 kung saan apektado ang mga bayan ng Iguig, Tuao, Piat at Pamplona sa Cagayan at Diffun, Quirino.
Inihayag ni Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director ng DA region 2, bunsod umano ito ng pagpasok ng meat products at mga buhay na baboy mula sa ibang rehiyon ang nangyaring kaso sa mga alagang baboy.
Dagdag niya, kailangan na maagap na matugunan ang kaso para hindi na kumalat pa ang sakit na ASF sa ibang mga bayan at lungsod.
Samantala, kakaunti lamang umano na baboy ang apektado sa ngayon hindi tulad noong nakaraang taon.
Ayon pa kay Dr. Busania, pahirapan ng matukoy ang mga meat products na nakalagay sa mga Styrofoam lulan ng mga pribadong sasakyan kumpara sa mga papasok na live weight.
Maaari naman umanong mag-alaga ng baboy ang mga kalapit na barangay ngunit kailangan ang ibayong pag-iingat sa bio-security.
Muli naming ipinaalala ni Busania na iwasan na magpakain ng mga tira-tirang pagkain sa mga alagang baboy.
Batay sa datos ng ahensya, marami ang hindi na umano nag-aalaga lalo na ang commercial hog raisers dahil sa pagkalugi habang may ilang kumpanya na nagpapatupad ng contract growing para maparami ang suplay ng baboy sa rehiyon.