*Cauayan City, Isabela- *Tumanggap ng tulong pangkabuhayan mula sa Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang limang (5) magsasaka ng cacao sa bayan ng Jones at San Agustin, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Chary Anne Gauani, Information Officer and Planning Assistant ng DTI Isabela, tatlong (3) cacao farmers mula sa bayan ng Jones ang maswerteng nabigyan ng livelihood kits na nagkakahalaga ng Php8,000.00 na kinabibilangan nina Esmeralda Andres Palagao, Juan Loreto San Jose, at Ferdinand Peralta.
Dalawa (2) naman ang nabigyan ng parehong tulong sa bayan ng San Agustin na sina Rosalie Dionson at Nenita Garcia.
Ayon kay Ms. Gauani, ang mga ipinamigay na livelihood kits ay naglalaman ng Cacao seedlings, fermentation box, pruning shears, cacao Guidebook, digital cacao moisture meter at iba pa.
Ang ginawang pamimigay ng tulong pangkabuhayan sa limang (5) magsasaka ay layong maturuan ang mga ito sa tamang pagproseso at paggamit sa mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka upang makamit ang inaasam na magandang kalidad ng produkto.