5 Chinese na inaresto sa pag-eespiya, ipinresinta ng NBI

Lima pang Chinese nationals na pinaniniwalaang sangkot sa pag-eespiya ang inaresto ng mga awtoridad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ngayong Huwebes ng hapon, ipinresinta sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga suspek na sina Cai Shaghuang, Wang Yong Yo, Wu Jun Ren, Wu Chengting at Haitao Chen.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, naaresto ang mga sangkot sa iligal na intelligence gathering noong January 24 at 25.


Miyembro umano ang mga ito ng ilang samahan gaya ng Qiaoxing Volunteer Group of the Philippines at Philippine China Association of Promotion of Peace and Friendship.

Dalawa sa kanila ang hinuli sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), isa sa Intramuros sa Maynila, isa sa Binondo at isa sa Dumaguete City.

Sangkot ang mga ito sa paniniktik o pagmamanman sa mga naval detachment, coast guard station at mga dockyard ng Philippine Navy.

Nakuha sa kanila ang mga high tech na kagamitan gaya ng long range CCTV na high powered at hindi basta-basta mabibili online.

Ang dalawa aniya na hinuli sa NAIA ang mula sa Palawan na nahuling naglalagay ng CCTV na nakatutok sa West Philippine Sea.

Nang siyasatin din ang mga nakumpiskang gamit, nakita ang mga litrato ng mga barko ng Pilipinas at ang mga coast guard station at mga daungan.

Samantala, naniniwala ang mga awtoridad na may kaugnayan ang mga ito sa una nang naaresto na si YuanQing Deng na nahuling nag-iikot sa mga base militar at maging mga Local Government Unit o LGU at malls kung saan nakuha ang mga gamit pang-espiya.

Facebook Comments