Palalayain ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang limang foreign nationals na nasa kanilang kustodiya sakaling may dumating na abogado nila at i-claim sila.
Ang limang Chinese nationals na kasama sa prinoseso ng PNP-ACG ay kabilang sa mga naaresto at iniimbestigahan kaugnay ng sinalakay na illegal POGO operation sa Las Piñas, City kamakailan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP-PIO Chief Col. Red Maranan na natapos na ang profiling sa mga na-rescue at mga nahuling sangkot sa iligal na operasyon.
Nakapaghain na rin aniya sila ng limang mga kaso laban sa mga nasa likod nito at pitong foreign nationals na rin na may existing warrants of arrest ang nai-turn over na nila sa Bureau of Immigration (BI).
Sinabi naman ng PNP spokesperson na noted ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may nakikita itong pagkukulang sa ginawang pagsalakay ng PNP-ACG tulad ng umano’y hindi ito coordinated sa iba pang ahensiya ng gobyerno at walang sapat na ebidensiya.
Pero, nanindigan si Maranan na batay sa record ng PNP, nagawa ng ACG ang tamang proseso.
Mayroon aniyang search warrant ang ACG na inisyu ng compenent court, nakipag-ugnayan rin aniya sa PAGCOR, DSWD at iba pang ahensiya na may kinalaman sa pag-regulate ng POGO industry.