5 Grade 8 Students, Patay Matapos Malunod sa Ilog!

Cauayan City, Isabela- Patay ang 5 dalagita na Junior High School students matapos malunod sa Cagayan River sa Brgy Joaquin Dela Cruz, Camalaniugan, Cagayan.

Kinilala ang mga Grade 8 students na nasawi na sina Jenny Mercado, 14 anyos, Florbeth Ruatos, 16 anyos, May Tubol, 13 anyos, Irene Tubol, 16 anyos, pawang mga taga bayan ng Aparri, Cagayan at Bernadette Paet, 14 anyos, na residente ng barangay Joaquin Dela Cruz ng Camalaniugan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 2:45 ng hapon, Pebrero 29, 2020, magtutungo sana sa kanilang paaralan ang mga biktima kasama ang iba pang mga kaklase upang mag-praktis sana ng kanilang sayaw subalit napagdesisyunan ng mga ito na maligo muna sa ilog.


Habang magkahawak-kamay na naliligo sa ilog ang mga biktima ay napunta ang mga ito sa malalim na parte ng ilog hanggang sa isa-isa nang lumubog at tinangay ng agos.

Nang mapag-alaman ng PNP Camalaniugan ang insidente ay agad itong nirespondehan katuwang ang Rescue 3510 Camalaniugan at mga coast guard ng Aparri.

Matapos ang isang oras na paghahanap ng mga otoridad ay narescue rin ang katawan ng mga biktima at agad isinugod sa ospital subalit idineklara ang mga ito ng kanilang attending physician na dead on arrival (DOA).

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa nangyaring insidente.

Facebook Comments