5 hanggang 9 na bagyo, posibleng pumasok sa PAR hanggang katapusan ng taon ayon sa PAGASA

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibilidad ng lima hanggang siyam na bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang katapusan ng Disyembre ngayong taon.

Ayon kay PAGASA Deputy Administrator Marcelino Villafuerte, dalawa hanggang apat na bagyo ang posibleng mabuo o pumasok sa teritoryo ng bansa ngayong Oktubre.

Pagdating ng Nobyembre, dalawa hanggang tatlo naman ang mamumuo at papasok na bagyo sa PAR, habang isa hanggang dalawa naman sa Disyembre.

Dagdag pa ni Villafuerte, hindi inaasahang magiging mas malalakas ang mga darating na bagyo sa buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre, ngunit mas mataas ang posibilidad na mag-landfall ang mga ito kaya kinakailangan ang masusing paghahanda.

Batay sa tala ng PAGASA, sa huling quarter ng taon, mas madalas tamaan ng bagyo ang Visayas at Mindanao.

Pinayuhan ni Villafuerte ang publiko, lalo na ang mga nasa mababang lugar o flood-prone areas, na manatiling updated sa mga forecast ng ahensiya.

Facebook Comments