
Matagumpay na naaresto ng Philippine National Police (PNP) at Southern Police District (SPD) ang limang high value targets sa lungsod ng Taguig partikular sa Brgy. Napindan.
Naaresto sa operasyon ang mga suspek na kinilalang sina John Walter Bernaldo Carlos, Danny San Jose Ordoñez, Joniel Coricor Almeda, Alvin Zabala Escovidal at Elmer Rabanes.
Ayon sa mga awtoridad, may mahalagang papel ang grupo sa isang organisadong network ng iligal na droga.
Nasamsam naman ang mahigit 25.5 kilo ng hinihinalang shabu, humigit-kumulang 1.77 kilo ng high-grade marijuana kush at 140 piraso ng marijuana oil cartridges.
Narekober din sa operasyon ang ilang smuggled cigarettes, bukod pa sa iba pang ebidensiyang may kaugnayan sa kaso.
Tinatayang aabot sa ₱176 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasabat na droga.
Una nang sinabi ng Pambansang Pulisya sa pangunguna ni acting PNP Chief Melencio Nartatez Jr. na hindi sila titigil para sugpuin ang droga sa Metro Manila at mga karating na lugar.










