Arestado ang limang katao matapos na lumabag sa ipinapatupad na curfew bunsod ng Enhance Community Quarantine dahil sa COVID-19 sa iba’t-ibang Barangay sa Sta. Ana, Maynila.
Unang dinakip sa Barangay 776 sina Arnold Alcala at Raphael Misola dahil sa pagtatambay nila sa labas ng bahay.
Inaresto din ang mag-asawang sina Jesus at Nemita Pablo na naispatang palakad-lakad sa loob ng Jaime Cardinal Sin Villaga sa Punta, Sta. Ana kung saan nagpakilala sila na mga Frontliners pero wala silang maipakitang ID’s na nagpapatunay na kabilang sila dito.
Nagwala naman dahil sa kalasingan ang 26-anyos na si Yves Avon Collard sa tapat ng Barangay Hall ng Barangay 905, Zone-100 kung saan pinagbabato nito ang mga relief goods gaya ng delata, noodles, asukal at bigas na ipinamahagi ng Barangay opisyal.
Bukod dito, pinagmumura din niya ang mga Kagawad lalo na ang Chairman ng Barangay na si Thelma Zambrima kaya’t agad itong inaresto saka dinala sa himpilan ng pulisya.
Aminado si Collard na dismayado siya sa ibinigay na relief goods dahil tila binabawasan umano ito ng mga nakaupo sa pwesto ng kanilang Barangay na mariin naman itinatanggi ni Chairwoman Zambrima.