5 indibidwal na nasa likod nang pagdukot sa isang babae sa Pasay, arestado

Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang 5 indibidwal na sangkot umano sa pagdukot sa isang babaeng Chinese sa Pasay City.

Ayon kay Philippine National Police Criminal Investigation and Detention Group (PNP-CIDG) acting Director Police Brigadier General Ronald Lee, nangyari ang sinasabing pagdukot sa biktimang kinilalang si Amy Dan Li sa isang condominium sa Pasay noong Setyembre 14.

Base sa inisyal na impormasyon humingi ang mga suspek ng dalawang milyong piso kapalit ng kalayaan ng biktima.


Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang CIDG, kung saan nahuli ang unang dalawang suspek na sina Chui Qun, isang Chinese national at Ernesto Cruz Jr., isang Filipino habang nailigtas ang biktima sakay ng kulay gray na van.

Nakuha sa mga ito ang cal. 45 pistol at ang dalawang milyong pisong entrapment money.

Samantala, sa isinagawang follow-up operation nahuli ang 3 pang suspek na sina Yap Tiong Ee, Li Wei Xiong at Li Xing, pawang mga Chinese nationals sa loob ng POGO office sa PITX, Parañaque.

Napag-alaman na ang mga suspek ay miyembro ng Zi Criminal Group na sangkot sa kaso ng kidnapping, abduction at illegal detention sa Southern part ng Metro Manila.

Sa ngayon, inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 1084 o kidnapping, abduction and serious illegal detention laban sa mga naarestong suspek.

Facebook Comments