5 kabataan, naglunsad ng isang proyekto para tumulong sa Pasig River rehab

Bago pa man ipinatupad ni Pangulong Duterte ang Manila Bay rehabilitation, ilang taon na rin na inilulunsad ng limang kabataan ng Multiple Intelligence International School sa Katipunan Avenue sa Quezon City ang isang proyekto para i-rehabilitate ang Ilog Pasig.

Mahalaga ang papel ng Pasig River sa paglilinis ng Manila Bay dahil ito ang sumasala sa basura na nanggagaling sa naturang lawa.

Kanina, muling inilunsad ng mga grade 7 students na sina Chollo Javier, Luis Guevarra, Luis Camacho, Enzo De Leon at Miguel Legaspi ang tournament para sa pagalingan ng paglalaro ng video game na Smash That Trash 2.


Ang malilikom na pondo sa tournament ay ido-donate nila sa clean-up drive ng Pasig River rehabilitation.

January 2017 nang nakalikom ang naturang mga kabataan ng nasa dalawamput anim na libong piso na ibinigay nilang donasyon sa isang barangay na nanguna sa clean-up activity sa Pasig River.

Ayon sa 7th grader na si Luis Guevara, nauna nilang naisip ang proyekto nang minsang mapadaan sila sa isang squatters area.

Nadismaya sila sa tambak ng basura na itinapon sa ilog.

Dito nila naisip na bigyan ng kabuluhan ang pagkahilig nila sa video game sa pamamagitan ng naturang proyekto.

Facebook Comments