5 Katao na Nahuli sa Pagpupuslit ng Kahoy Habang Naka-ECQ, Nakasuhan na!

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong paglabag sa PD 705 ang limang (5) indibidwal sa pamamagitan ng inquest proceedings matapos silang mahuli sa pagpupuslit ng mga iligal na kahoy.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Glanery Cabeliza, hepe ng PNP Benito Soliven, nanatili pa rin sa kanilang himpilan ang limang suspek na sina Esmael Martinez, 35 anyos, Emmanuel Serrano, 26 anyos, Jetlee Paguie, 18 anyos, kapwa residente ng Brgy Dicamay, San Mariano, Isabela, at dalawang taga brgy Rogus, Cauayan City na sina Jeoffrey Dauin, 18 anyos, at Roso Callueng, 39 anyos.

Magugunitang nasabat ng kasundaluhan at mga opisyal ng barangay sa Guilingan na isa sa mga malalayong barangay ng Benito Soliven ang isang Forward truck na naglalaman ng 2,500 board feet ng kahoy.


Tinakpan pa ng mga suspek ng sako-sakong mais ang mga kahoy upang hindi mabisto subalit hindi pa rin ito nakalusot sa pagsusuri ng mga otoridad.

Samantala, ibinahagi ni PCapt. Cabeliza na wala nang gaanong nahuhuli ang kanyang hanay na mga lumalabag sa Enhanced Community Quarantine sa kanyang nasasakupan.

Facebook Comments