5 Kilo ng Kontrabando, Kumpiskado sa 3 Kalalakihan

24

Cauayan City, Isabela- Arestado ang tatlong (3) kalalakihan kabilang ang menor de edad matapos ang ikinasang drug buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA RO II RSET, PDEA RO II IIS, at Peñablanca Police Station dakong alas-4:00 kahapon sa Brgy. Camasi, Peñablanca, Cagayan.

Nakilala ang mga suspek na sina Jay Suyu, 25-anyos, binata, walang trabaho at residente ng Brgy. Camasi; Vince Romar Pelagio, 20-anyos, binata at isang 15-anyos na menor de edad na kapwa residente ng Brgy, Centro, Peñablanca.


Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang (5) bricks ng Marijuana na tumitimbang ng limang (5) kilo; isang (1) piraso ng tubular shaped brown paper na naglalaman ng Marijuana na may bigat na isang (1) kilo at dalawang (2) piraso ng shabu residue at mga drug paraphernalia na umabot sa kabuuang P36,000 ang halaga ng mga kumpiskadong kontrabando.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang pansamantala munang ipinasakamay sa DSWD ang menor de edad.

Facebook Comments