Pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 2036 na bumubuo sa quinta committee o limang komite na kinabibilangan ng Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services at Special Committee on Food Security.
Nakapaloob sa resolusyon ang pagtutok ng quinta committee sa paglaban ng mga ahensya ng gobyerno sa smuggling, hoarding, price manipulation, pagtugon sa kagutuman, at pagsusulong ng seguridad sa pagkain at nutrisyon.
Ang House Tax Chief na si Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang mangunguna sa pagdinig ng quinta committee.
Ayon kay Salceda, hindi investigative kundi informative ang magiging takbo ng hearing ng quinta committee na layuning magbalangkas ng policy objectives na kinabibilangan ng murang bigas, murang karne, murang isda at murang prutas at gulay.
Binanggit ni Salceda na susunod namang tututukan ng quinta committee ang mga isyu ng murang pabahay, murang gamot, murang langis, murang kuryente at murang patubig.
Plano ng quinta committee na ipatawag ang mga eksperto at pangunahing resource persons mula sa agriculture sector, mga ekonomista at kinatawan ng civil society organizations, at think-tanks.