5 lalawigan sa bansa, pinag-iingat ng BFAR sa red tide toxin

Pinag-iingat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko sa pagbili at pagkain ng mga shellfish at alamang na nagmula sa mga baybayin ng limang lalawigan sa bansa.

Batay sa ginawang pagsusuri ng BFAR at mga Local Government Unit (LGU) mula sa nakuhang samples ng shellfish at alamang, nananatiling positibo sa paralytic shellfish poison ang coastal water ng Milagros sa Masbate.

Kasama rin dito ang coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Litalit Bay, San Benetio sa Surigao del Norte at Lianga Bay sa Surigao del Sur.


Ibig sabihin, ang lahat ng shellfish at alamang na nagmula sa nabanggit na mga baybayin ay hindi ligtas sa tao dahil nagtataglay ito ng toxic red tide.

Nilinaw naman ng BFAR na ligtas kainin ang isda, pusit, hipon at talangka basta’t tiyaking ito ay sariwa at kailangang tanggalan ng bituka at hasang tsaka hugasang mabuti bago lutuin.

Samantala, ligtas naman sa red tide toxin ang mga lugar ng Cavite, Las Piñas, Parañaque, Navotas, Bulacan at Bataan.

Facebook Comments