
Inaasahan ng Department of Transportation (DOTr) ang humigit limang milyon na pasahero sa iba’t ibang transport hubs ngayong Semana Santa.
Tiniyak ng DOTr na nakahanda ang mga transport hub sa railways, aviation, road, at maritime sectors sa inaasahang pagdagsa ng malaking volume ng mga pasaherong patungo sa mga lalawigan at sa ibang bansa.
Sinabi rin ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na tinitiyak ng ahensiya ang kaligtasan at proteksyon ng mga biyahero sa airports, seaports, bus terminals, at railway stations.
Una nang nag-deploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 17,000 personnel para bantayan ang mga paliparan, pantalan, at iba’t ibang bus terminals. May nakapre-position na rin na barko ang PCG para sa posibleng stranded na mga pasahero, lalo na sa Marinduque, Batangas, at Calapan sa Oriental Mindoro.
Inaprubahan na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 1,297 special permits sa bus companies upang matugunan ang malaking volume ng mga pasahero sa buong bansa.










