5 nasawing rescuer sa Bulacan, hinigop ng mala-washing machine na tubig-baha at naipit sa mga debris; Pagpaparangal sa kabayanihan ng mga rescuer, hiniling sa national government

Hindi lamang kasamahan sa trabaho, kundi pamilya ang turing ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa limang rescuer na nasawi sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Ayon kay Bulacan PDRRMO Head Liz Mungcal, bayani ang kanilang mga rescuer na inialay ang mga buhay sa pagsisilbi sa kapwa.

Sa interview naman ng RMN Manila, emosyonal na idinetalye ni Dr. Ted Esguerra, Operational Medicine Instructor ng International Disaster Response Network kung paanong nasawi ang mga rescuer na dapat ay magsasagip sana ng mga pamilyang na-stranded sa baha sa bayan ng San Miguel.


Aniya, habang sakay ng bangka ay isang pader ang bumagsak at nabitak ang gitnang bahagi ng daan kung saan kasama silang hinigop ng baha na parang tubig sa washing machine.

Bagama’t well-trained, hindi nakaligtas ang mga rescuer matapos na maipit ng mga nagbagsakang debris.

“Hindi lang sila umikot sa ibabaw… ang washing machine, kakainin ka sa ilalim so malulunod ka talaga. E, na-entangle ka kasi kasama sa pumasok doon sa butas ay mga poste na may wire, debris. So those are crazy things that’s gonna happen when there is flashflood. Hindi dahil sa nagpabaya sila kundi oras na nila, inabutan sila doon at walang magaling doon,” ani Esguerra.

Kinilala ang mga nasawing rescuer na sina Troy Justin Agustin, Narciso Calayag Jr., Marby Bartolome, Jerson Resurreccion at George Agustin na ilang beses na ring naipadala sa mga rescue operation gaya sa landslide sa Naga City, Cebu at lindol sa Davao at Kidapawan.

Kasabay nito, hiniling ni Esguerra sa national government na bigyang-pagkilala at bigyan ng mga dagdag na benepisyo ang mga rescuer na nagbubuwis din ng buhay tuwing may kalamidad.

“Pagandahin natin ang sweldo, para mas dumami yung taong ma-recruit natin, insurances nila, anong pwedeng benepisyo ang makuha nila. Kasi hindi pa gaanong hinog ang Free Hospital Law or yung EMS law sa Pilipinas, hindi well-structured pa kung paano suswelduhan itong mga ganitong uri ng tao. Sana mapabilis ‘no,” saad pa ni Esguerra.

“At let’s recognize these people on a national level. So, sana kung nakikinig sina Sir Abalos, up to the Office of the President, let’s start awarding beautiful people, para tumaas ang sense of patriotism,” panawagan niya.

Facebook Comments