Cauayan City, Isabela- Isasama ng 95th Infantry Salaknib Battalion ng 5ID, Philippine Army sa asosasyon ng mga nagbalik-loob na kasapi ng New People’s Army (NPA) ang limang (5) dating rebelde na sumuko sa kasundaluhan at kapulisan sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Maj. Oscar Blanza, Executive Officer ng 95th IB, ang lima na kinilalang sina Ka Renato, Ka Jaime, Ka Kanoy, Ka Butoc at Ka Didag ay mapapabilang sa Salaknib Former Rebels Integrated Farmers’ Association (SFRIFA) na binuo ng kasundaluhan sa headquarters ng 5ID sa Camp Melcher F Dela Cruz, Upi, Gamu Isabela.
Sa pamamagitan nasabing asosasyon ay mabibigyan ng tulong pangkabuhayan ang mga sumukong rebelde gaya ng itinayong Farm Ville na may manukan at gulayan sa loob ng 5th ID na pinangangasiwaan ng mga formers rebels katuwang ang mga sundalo.
Ito ay bahagi na rin ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o ECLIP ng pamahalaan na ibinibigay para sa mga magbabalik loob na miyembro ng NPA.
Ayon pa kay Maj. Blanza, laking tuwa at pasasalamat ng mga ito dahil sa kanilang mga natatanggap na tulong mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Kanyang sinabi na napakalaking tulong ang kanilang ginagawang paghuhulog ng leaflets sa mga nasa malalayong lugar na naging daan sa pagsuko at pagbabagong buhay ng ilang mga naunang dating rebelde sa Lalawigan.