Cauayan City, Isabela- Negatibo sa Coronavirus Disease o COVID-19 ang limang (5) natitirang nakahalubilo ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nagpositibo sa sakit na taga barangay San Fabian, Echague, Isabela.
Sa Facebook live ni Mayor Francis ‘Kiko’ Dy, sinabi nito na negative sa COVID-19 ang 5 na close contacts ng 30 anyos na babaeng OFW matapos nilang ma-swab test.
Una nang inihayag ng alkalde na negatibo rin sa naturang sakit ang 19 pang nakasalamuha ng panibagong COVID-19 patient sa kanilang bayan mula sa 27 katao na nakahalubilo nito.
Kasalukuyan namang naka-quarantine sa isolation ward at ginagamot sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Lungsod ng Santiago ang naturang pasyente.
Samantala, ikinagagalak din ni Mayor Kiko Dy ang naging resulta ng swab test ng tatlo pang (3) taga Echague na nakasabayan sa bus ng isang nagpositibo sa ibang probinsya dahil negatibo rin ang mga ito sa nakamamatay na sakit.