Nagpatupad na ng total lockdown ang Barangay 178, Maribacan, Pasay City dahil sa patuloy na pagsuway ng ilang mga residente nito sa pinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa banta ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Para mas masunod ang kautusan ng lockdown at masiguro ang seguridad, higit sa 40 tauhan ng Philippine Army ang nagbabantay sa naturang barangay.
Nabatid na lima ang hinuli dahil sa pagsuway sa lockdown na sinimulan ng alas-6:00 ng umaga kahapon kung saan hindi naman sila ikukulong pero dadalhin sila sa isang eskwelahan malapit sa Villamor Airbase.
Dito sila mananatili ng apat na oras at bago pauwiin ay isasailalim sila sa counselling para maunawaan nila ang panganib na dulot ng COVID-19.
Sa ilalim ng lockdown, maaari lamang lumabas ang isang residente na may quarantine pass mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi para bumili ng kanilang pangangailangan.
Sa ganitong oras lang din maaaring magbukas ang ilang tindahan, pamilihan at kainan kung saan mananagot ang mga may-ari kung hindi sila susunod sa kautusan.
Wala pa naman inaanunsiyo ang chairman ng Barangay 178 na si Virgilio Mabag kung hanggang kailan ang lockdown habang tatlong residente nito ang naitalang kumpirmadong kaso.