Pinahintulutan ng House Committee on Public Order and Safety na pansamantalang makalaya sa loob ng limang araw ang mga pulis ng Southern Police District o SPD na na-contempt at nakaditine sa Batasan Complex.
Ang kanilang pansamantalang paglaya ay hiniling ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na pinagbigyan naman ni Committee Chairman at Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez.
Ang mosyon ni Tulfo ay tugon sa pakiusap ng naturang mga pulis na pansamantala silang makalaya para sagutin ang kanilang mga kasong summary dismissal sa Philippine National Police.
Pinagbigyan ito ni Tulfo “for humanitarian reason” na nagpapakitang may puso rin ang Kongreso at para na rin makasama ng nabanggit na mga pulis ang kanilang pamilya sa pagdiriwang ng Valentine’s Day.
Ang nabanggit na mga pulis ay ikinulong sa Kamara dahil sa umano’y pagsisinungaling sa pagdinig kaugnay ng pagdakip, pagkulong, pagnanakaw at pangingikil sa apat na Chinese nationals.
Binalaan naman ni Congressman Fernandez ang mga pulis na bumalik makalipas ang limang araw dahil kung hindi ay mapipilitan silang mag-isyu ng warrant of arrest laban sa mga ito.