5 Rebeldeng NPA, Patay sa Bakbakan ng Militar sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Lima ang patay sa hanay ng rebeldeng NPA matapos sumiklab ang engkwentro sa pagitan ng military kahapon ng madaling araw, Setyembre 21, 2021 sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay DPAO Chief Army Major Jekyll Julian Dulawan ng 5ID Philippine Army, doble rin ang pag-iingat na ginagawa ng tropa ng militar sa pinangyarihan ng insidente dahil sa posibleng mga nakatanim na landmines.

Dahil dito, humingi ng tulong ang tropa sa Philippine Air Force (PAF) para sa kanilang air assets na nagsagawa ng airstrike sa kuta ng mga rebeldeng NPA.


Nakuha naman sa encounter site ang tatlong high powered firearms, limang anti-personnel mines at limang (5) handheld radios, apat (4) na cellphones, assorted medical supplies at equipment, subversive documents at mga personal na gamit ng NPA.

Patuloy naman ang ginagawang clearing operation sa lugar at ang paghahanap sa mga kasamahan ng napatay sa bakbakan.

Hinimok naman ng kasundaluhan ang iba pang mga NPA na posibleng sugatan sa engkwentro na makipagtulungan sa pamahalaan at handa umano silang tumulong sa pagpapagamot.

Samantala, inaalam na ang pagkakakilanlan ng NPA na kasamang napatay sa bakbakan.

Facebook Comments