5 sa 7 guro na sangkot umano sa sexual harassment sa Cavite, sinampahan na reklamong administatibo ayon sa DepEd

Inihayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na sinampahan na ng kasong administratibo ang lima sa pitong guro na sangkot umano sa sexual harassment sa Cavite.

Sinabi ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, naisumite na noong Biyernes ang Fact-Finding Report laban sa pitong guro sa Bacoor National High School sa Cavite.

Paliwanag ni Poa, nakitaan ng matibay na ebidensya ang limang guro sa akusasyon laban sa kanila habang kulang naman ang ebidensya laban sa dalawang mga guro ng Bacoor National High School.


Giit ng DepEd, pinatawan ng Preventive Suspension ang lima at pinagpapaliwanag ng School Division Office (SDO).

Una nang sinabi ni Atty. Poa na posibleng maalis sa trabaho o depende sa kalalabasan ng imbestigasyon ang mga mga guro na sangkot umano sa sexual harassment.

Matatandaan na nag-ugat ang isyu matapos mag-viral ang post sa Twitter kaugnay sa malalaswang karanasan ng mga estudyante sa ilang mga guro ng naturang paaralan.

Facebook Comments