5 Sasakyan, Nagkarambola sa Lungsod ng Tuguegarao!

724

*Cauayan City, Isabela-* Inararo ng isang Isuzu DMAX ang dalawang sasakyan at isang traysikel matapos itong mag-overtake sa sinusundang traysikel sa kahabaan ng Arellano St.Centro 2, Tuguegarao City, Cagayan pasado alas syete kaninang umaga.

Batay sa inisyal na impormasyon na nakuha ng 98.5 iFM Cauayan, habang bumabaybay sa naturang lansangan ang suspek at drayber ng puting Isuzu DMAX na may plakang BAB 7037 na si Domingo Enciso, 65 anyos, retiradong inhinyero ng DPWH at residente ng Pengue-Ruyu, Tuguegarao City, Cagayan ay bigla itong nag-overtake sa sinusundang pulang traysikel sa kanang bahagi ng daan.


Sa pag-over take ng suspek ay aksidente nitong nabangga ang likurang bahagi ng traysikel at sa lakas ng impak ay bumangga ang traysikel sa nakaparadang Mitsubishi Adventure sa kaliwang bahagi ng daan.

Nawalan naman ng kontrol ang minamanehong sasakyan ng suspek kaya’t inararo rin nito ang nakaparadang Mitsubishi Mirage na may plakang AMA 4531 at sa isa pang traysikel na may plakang BX 2876.

Dinala naman sa pagamutan ang mga hindi pa napapangalanang mga biktima para sa kanilang kaukulang lunas.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring insidente.




Facebook Comments